Friday, July 26, 2013


Alaalang Ibinabad sa Surf Fabcon


Ika-anim na araw na naman ng linggo
santambak na labahan na naman ang nasa harap ko,
Kasing dami ng alaalang iniwan mo
na ngayo’y mistulang mantsa sa puso ko.

Ihihiwalay ko na ang de-kolor sa puti
habang tumutulo ang mga luha ko sa pisngi
Panalangin ko’y ganito lamang din sana kadali
ang ihiwalay ang luha ko sa ngiti

Mga damit na puti’y sinimulan ko nang kusutin
at pinigaan ng napakariin
Ngunit mga ala-ala mo’y narito pa rin
Paano ba ito maaalis sa akin?

Noon akala ko’y ikaw at ako lang
Hindi mapaghihiwalay ng kahit na ano man
Ngunit bakit ngayo’y para na  tayong mga bula sa damit,
na nawala agad sa ilang saglit


Sa likod ng pakete ng Surf Fabcon
sinunod ko ang bawat instruksyon
upang sa mga damit wala nang matirang sabon
at nang sa gano’n ala-ala mo’y tuluyan na ring matapon

Ibinabad ko ang mga damit sa tubig na may Surf Fabcon
upang maglaho na ang mga bakas ng kahapon
na nagdulot ng di kanais-nais na amoy,
amoy na minsang nagpakilig sa akin noon

Ibabad ng limang minuto ayon sa instruksyon
upang damit ay mag amoy bago
Mga ala-ala mo’y akin ring ibababad sa pag-asa,
pag-asang malilimutan din kita

Mas matagal, mas mabisa
mas mabango ang magiging resulta
Kaya naman ako’y aasa
na pag tapos nito, sa isip ko ika’y wala na.



Friday, September 28, 2012

Unforgettable-First-Time-Ever


PE Outdoor Activity


Isang napakasaya at hindi malilimutang experience ang naranasan ko noong September 15, 2012 sa Falcon Crest, Norzagaray, Bulacan! Napakaraming first-time-experiences ang naranasan ko noong araw na iyon.
Paggising ko pa lang sa umaga noong araw ng sabado, excited na ko sa anumang mangyayari sa buong maghapon ko. Kaya nga lang, paggising ko rin ay narinig ko na agad an gang malakas na pagbuhos ng ulan. Natuwa pa ako noong una dahil ayon sda ibang tong nakausap ko, Masaya raw ang mag-outdoor ng umuulan. Ngunit sa kabilang banda, naisip ko rin na, Masaya pa bang mag-outdoor ng umuulan? Nag-alala pa ako kung paano ako pupunta ng school nang mataas ang baha pati ang mga kaklase ko. Natanong ko pa sa sari ko, magiging masaya kaya ang buong maghapon ko? Matutuloy pa kaya ang PE Outdoor? Ngunit sa kabila ng mga pangyayari sa paligid ko, go pa rin! Malakas ang pakiramdam ko na matutuloy pa rin ang outdoor at magiging masaya ang araw ko. Nagpunta ako ng school nang na-enjoy ang baha nang mag-isa mula UN hanggang PNU.  At lalo akong na-excite noong nasa bus na kame at papunta nang Norzagaray, Bulacan.
Pagdating sa Falcon Crest, expected ko nang mayroong Wall Climbing, Rapelling at Zip Line. Pero hindi ko alam na mayroon rin pa lang iba pang activities na kaysaya ring subukan. Nakalimutan ko na ang mga tawag doon, ang naaalala ko na alng ay ang kasiyahan na naramdaman ko. Hindi ko talaga malilimutan ang lahat ng iyon, lalo na yung tatlong activities na una kong nabanggit. Mas lalo pang naging masaya ang lahat dahil sa mga suporta ng mga kaklase ko. Kapag mayroon kasing nanghihina sa amin, natatakot, o minsan pa’y nalalglag, kami mismo ang nagpapalakas sa bawat isa sa ibat-ibang paraan ngpag-cheer. Hindi na naming ininda ang napakaraming putik na mayroon sa aming mga sapatos, ang mahalaga ay masaya at magkakasama kaming lahat. Hanggang sa pagsapit ng awarding, hindi namin inaasahan ang parangal na Most Organized Section! Lahat kami ay nagulat nang section naming ang nabanggit. At pati rin sa pagsakay ng Bus pauwi, pagod man at inaantok ang lahat, nandoon pa rin ang mga ngiti sa aming mga labi na dulot n masasayang alaala sa Falcon Crest.



At muli kong uulitin na ang PE Outdoor Activity ay nagdulot sa akin, sa amin ng sobrang kaligayahan dahil sa aming mga first time experiences. Ang araw naiyon ay isa na sa mga hindi malilimutang araw ko noong ako ay nasa kolehiyo. Nasabi ko rin a sarili ko na buti na lang required ito, dahil malamang kung hindi, wala akong maikukuwentong ganito kasayang experience. J

Naaalala Mo Pa Ba?



Chenelyn! Chenelyn!
Kuwento ni: Rhandee Garlitos

            Ang Chenelyn! Chenelyn! ay isang uri ng kuwentong pambata na may taglay na magic. Mayroong magic sapagkat sinabi sa kuwento na kapag tinawag mo ang pangalang “Chenelyn”, agad-agad ay darating ang anumang bagay na hinihingi ng tatay, nanay, ate at kuya ng bunso na siya mismong nagsasalita sa kuwento.
            Ang kuwentong Chenelyn! Chenelyn! ay isang kuwento na tunay na nababagay sa mga bata sapagkat ito ay hindi lang nakapagbibigay aliw at saya, ito rin ay isang kuwentong kapupulutan ng aral. Sa katunayan, isa ito sa mga paborito kong kuwento noong bata pa ako at hanggang ngayon alam ko pa rin kung ano ang paksa nito. Siguro dahil ang kuwentong ito ay nagdulot sa akin na mag-majic sa aking imahenasyon. At marahil din siguro sa paraan ng paggamit ng wikang ginamit dito. Magkakatunog ang dulo ng bawat salitang ginamit kaya para sa mga bata, ito ay masayang pakinggan at madaling matandaan.
            Ako ay humanga sa may-akda ng kuwentong ito sapagkat nakuha niya kung ano ang gustong mapakinggan at mabasa ng mga bata. Kaya naman, ang Chenelyn! Chenelyn! ngayon ay isa ng kilalang kuwentong pambata. At miski kaming mga nasa kolehiyo na ngayon ay naaalala pa rin ang kuwentong ito. Nakapagbigay kasi ito sa samin ng parehong aral at kasiyahan. 

Movie Review


JOE: A Filipino Rockssical



(Isang Rebyu)

Si Dr. Jose Protacio Rizal Mercado Y Alonzo Realonda ay ang ating Pambansang Bayani. Si Rizal ay mula sa maykayang pamilya. Siya ay anak nina Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at Teodora Morales Alonzo Realonda y Quintos. Pampito si Rizal sa labing-isang magkakapatid na sina Saturnina, Paciano, Narcissa, Olimpia, Lucia, Maria, Jose, Concepcion, Josefa, Trinidad at Soledad. Si Rizal rin ay isang  napakahusay na manunulat at siya ang may akda ng dalawa sa mga paborito kong aklat na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Bukod sa isa siyang magaling na manunulat, alam ko ring isa rin siyang mahusay na mambabasa. Nag-aral si Rizal sa ibat-ibang paaralan sa Pilipinas at maging sa ibang bansa; isa siyang dalubwikang nakakaalam ng salitang Arabe, Katalan, Tsino, Inggles, Pranses, Aleman, Griyego, Ebreo, Italyano, Hapon, Latin, Portuges, Ruso, Sanskrit, Espanyol, Tagalog, at iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas. Kaya naman hindi lingid sa kaalaman nating lahat na si Rizal ay isang matalinong tao.
Isang grupo ng mga magkaklase noong hayskul ang muling nagsama-sama upang tulungan ang isa nilang kamag-aral sa paggawa ng isang palabas tungkol kay Jose Rizal. Ang pangunahing isyu o kontrobersiya na pinag-usapan sa palabas na kanilang gagawin ay ang pinaghihinalaang pagpirma umano ni Rizal sa retraction letter upang pumayag ang simbahan na magpakasal siya kay Josephine Bracken. Ang struktura rin ng palabas ay bahagyang naging komplikado sapagkat ito ay sumalungat sa mga nauna ng paraan nang pagkukuwento sa buhay ni Rizal kumpara sa modernong paraan na ginamit sa palabas. Ang paraang ito ay naranasan ng writer-director ng palabas na si Joecas, ito ay tinawag na “Kasaysayan vs. Sining.” At ang buong storya ay nagpatuloy sa mga sumunod na taon ng mga pangunahing taon mula nang sila ay hayskul pa, hanggang sa kanilang pagtanda.
Sa palabas na Joe: A Filipino Rockssical, kakaiba ang nakita kong paraan ng paglalarawan sa katauhan ni Rizal, gayundin kay Josephine Bracken at sa iba pang tauhan. Isang halimbawa ng pag-deconstruct sa pagkatao ni Rizal ay nung sinabing siya ay isang bading. Sa palabas rin na ito, gumawa sila ng isang fictional character na ginamit nila bilang isang katulong ni Rizal sa klinika, at ang pangalan nito ay Crisanto. Ginamit din si Crisanto sa palabas upang i-deconstuct ang pagkatao ni Josephine sapagkat sinabi sa palabas na may namamagitan sa dalawa. Hindi lang ‘yon, ipinakita pa sa palabas na si Josephine at ang kaniyang stepfather ay mayroong incestuous relationship. At ang pinaka-kontrobersiyang isyu na nakita ko sa palabas ay iyong sinabi na si Rizal ay pumirma sa isang retraction letter na humihingi ng aprobasyon sa simbahan upang pakasalan si Josephine.
Ang pag-deconstruct o ginawang paghimay-himay sa pagkatao ng mga pangunahing tauhan sa Joe ay aking ikinagulat. Isang dahilan ay hindi ko lubos maisip na ang ating pambansang bayani ay isang bading. Sa katunayan, unang pagkakataon ko pa lamang makapanood ng isang palabas na sinabing ganito ang pagkatao ni Rizal. Isa ring dahilan ng aking pagkagulat ay ang sabihin sa palabas na si Josephine at ang kaniyang stepfather ay mayroong incestuous relationship; nagulat ako dahil hindi ganoon ang pagkakaalam ko sa pagkatao ng babaeng mahal ng ating pambansang bayani. At ang lalo kong ikinagulat ay noong ipinakita sa palabas na tunay na pinirmahan ni Rizal ang retraction letter upang magpakasal kay Josephine bago siya barilin sa Bagumbayan. Ngunit sinabi rin bandang huli sa palabas na hindi ito totoo. Ang isyung ito rin ay nagdulot sa akin ng pagkalito, kaya naman naghanap ako ng iba pang mga kasagutan sa internet. Marami akong nabasang mga artikulo at research ng ibang tao na nagsasabing tunay na pinirmahan ni Rizal ang retraction letter, ngunit marami rin ang nagsasabing walang sapat na ebidensiya na pinirmahan nga ni Rizal ang retraksyon na ito. Pero mas naniniwala akong hindi ito tunay na pinirmahan ng ating pambansang bayani dahil hindi naging Mrs. Rizal si Josephine Bracken at dahil wala ring sapat na ebidensiya ukol dito.
Sa pagtatapos ng isang rebyu na ito, nais kong purihin ang isang mahusay na palabas na aking napanood. Napakagaling at napakaganda ng pagkakaayos ng struktura nito sa kabuuan. Isa ring makabagong paraan ng paglalarawan at pagsasalaysay sa buhay ni Dr. Jose Rizal ang aking nasaksihan. Makabago sapagkat hindi ito karaniwan at hindi katulad ng ibang paraan na napanood ko na, at ang paraan nga na ito ay ang pag-deconstruct at paghimay-himay sa pagkatao ng mga tauhan na sina Rizal at Bracken. Sa palabas kasing ito, inilabas ang ibang side ng pagkatao ng ating pamabansang bayani, hindi lang yung karaniwan na nating nababasa, naririnig at napapanood. Isa ring magandang paraan ang panonood ng ganitong palabas upang mas marami pa tayong matuklasan at malaman. Napagtanto ko rin sa palabas na ito na mayroon ding malaking ambag ang sining sa ating kasaysayan.

Friday, August 3, 2012

Itak sa Puso ni Mang Juan







Itak sa Puso ni Mang Juan
Ni Antipas Delotavo


            Sa unang pagkakataong makita ko ang larawang ito, ako ay medyo naguluhan. Ngunit nang ito ay aking tinignang muli at sinuri, nakaramdam ako ng kalungkutan at galit.
            Nakaramdam ako ng lungkot sapagkat nakita ko rin ito sa mukha ni Mang Juan habang ang dulo ng isang letra sa salitang Coca-cola ay nakatutok sa puso niya. Marahil ang ipinapakita ng larawang ito, para sa akin; una, si Mang Juan ay isang uri ng Pilipino na labis na nalulungkot dahil sa kolonyalismo. Kolonyalismo dahil ang produktong coca-cola ay galing sa bansang Amerika na nakasanayan na nating mga pilipinong inumin. Ipinapakita lamang nito na kahit na ang ating bansa ay malaya na sa pananakop mula sa bansang amerika, napapasailalim pa rin nila tayo. Sapagkat tinanggap pa rin natin ng buo ang mga produktong dayuhan at mas tinangkilik pa natin ito. Sa palagay ko rin, isa si Mang Juan sa mga pilipinong may pakialam sa isyung tulad nito.  Isa siya sa mga pilipinong hindi nagbubulag-bulagan at hindi nagbibingi-bingihan sa isyu ng kolonyalismo sa ating bansa.
           Nabanggit ko rin kanina na nakaramdam ako ng galit at kaugnay din ito sa isyu ng kolonyalismo na napansin ko sa larawan, dagdag pa rito ay ang kulay pula na ginamit sa larawan. Sa aking palagay, ito ay naghahayag ng hindi lamang masidhing kalungkutan ngunit galit din. Galit marahil ang isa rin sa naramdaman ni mang juan sa nakita niyang kalagayan ng kaniyang bansa, dahil mas tinangkilik pa nito ang produkto ng iba kaysa sa sarili nitong produkto. Nakakagalit nga naman kung iisipin na makikita sa ating mga Pilipino na wala tayong pakialam sa mga bagay na ganito, bagkus mas natutuwa pa tayong magkaroon ng ibat-ibang produktong  mula sa ibang bansa. Marahil hindi lahat sa atin, ngunit karamihan sa ating mga Pilipino ay sadyang nagbubulag-bulagan lamang sa isyu ng kolonyalismo. Ngunit salamat na rin dahil mayroon pa ring mga pilipinong nais isigaw ang kanilang mga nararamdaman sa ibat-ibang paraan. Isa na nga rito ang taong gumuhit ng larawan na ito, si Antipas Delotavo na nais iparating ang kaniyang nararamdaman at hinaing sa bayan na kaniyang kinabibilangan.
           






Sunday, July 29, 2012

Just a TRY

Just a TRY...

kung sa tagalog pa, SUSUBUKAN KO LANG :)



BLOG. BLOG. BLOG...


Hindi na ito bago sa pandinig ko. Isa ito sa mga salitang na-encounter ko na, matagal na. Pero kung tatanungin mo ako ANO ba ito, aba! malaking EWAN ang tiyak na isasagot ko.



Blog. Ang salitang 'yan ay ilang beses ko nang nabasa mula noong ako'y hayskul pa. Sa pagkakatanda ko ay sa isa kong kamag-aral ko ito unang narinig at nabasa. Sinabi niya sa akin kaya ko narinig. At pinabasa niya ang blog niya kaya ko nabasa :) Natatandaan ko pa na ang blog niya noon na una kong nabasa ay tungkol sa hinanakit/problema niya sa pamilya niya. Dito niya inilabas ang lahat ng sama ng loob niya na hindi niya naman nasasabi sa personal o madalang niya lang na ibahagi sa akin. Kaya nagkaroon ako ng konklusyon na ang Blog ay marahil isang uri ng Online Diary.


Ngayong kolehiyo naman, nagkaroon din ako ng isang kamag-aral noong unang taon na mayroon ding blog. Kaya lang, siya naman yung tipo ng taong ayaw ipabasa sa aming mga malalapit niyang kaklase ang kaniyang mga blog dahil nahihiya raw siyang mabasa namin ang mga saloobin niya sa iba't-ibanf aspeto; personal na aspeto, sa pamilya, sa school at mga guro, mga fastfood chain, mga tindahan, at kung anu-ano pang mga bagay na madalas niyang pinupuna. Kaya nabuo ulit sa aking isipan na ang Blog nga siguro ay isang Online Diary. At nasabi ko rin sa aking sarili na "Parang gusto ko ring gumawa ng BLOG. Parang ang exciting eh. Kung marunong lang talaga ko noon, gagawa talaga ko!" :)



At ngayon, sa kasalukuyan.. Ako ay nasa ikalawang taon na sa kolehiyo at mayroon kameng asignaturang Retorika sa Filipino. Dito, ang mga sulatin namin ay kailangan nakalagay sa blog. At ang ibig sabihin lang nito ay kailangan naming gumawa ng sarili aming BLOG site. 
"Yehey! Malalaman ko na rin kung Ano at paano gamitin ang BLOG :) Kaya lang.. PA'NO NGA BA!?" -___-



At dahil hindi ko pa nga talaga ito alam, akin muna itong sinubukan; ang mag-post ng kahit na ano para lang ma-TRY :))