Friday, September 28, 2012

Movie Review


JOE: A Filipino Rockssical



(Isang Rebyu)

Si Dr. Jose Protacio Rizal Mercado Y Alonzo Realonda ay ang ating Pambansang Bayani. Si Rizal ay mula sa maykayang pamilya. Siya ay anak nina Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at Teodora Morales Alonzo Realonda y Quintos. Pampito si Rizal sa labing-isang magkakapatid na sina Saturnina, Paciano, Narcissa, Olimpia, Lucia, Maria, Jose, Concepcion, Josefa, Trinidad at Soledad. Si Rizal rin ay isang  napakahusay na manunulat at siya ang may akda ng dalawa sa mga paborito kong aklat na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Bukod sa isa siyang magaling na manunulat, alam ko ring isa rin siyang mahusay na mambabasa. Nag-aral si Rizal sa ibat-ibang paaralan sa Pilipinas at maging sa ibang bansa; isa siyang dalubwikang nakakaalam ng salitang Arabe, Katalan, Tsino, Inggles, Pranses, Aleman, Griyego, Ebreo, Italyano, Hapon, Latin, Portuges, Ruso, Sanskrit, Espanyol, Tagalog, at iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas. Kaya naman hindi lingid sa kaalaman nating lahat na si Rizal ay isang matalinong tao.
Isang grupo ng mga magkaklase noong hayskul ang muling nagsama-sama upang tulungan ang isa nilang kamag-aral sa paggawa ng isang palabas tungkol kay Jose Rizal. Ang pangunahing isyu o kontrobersiya na pinag-usapan sa palabas na kanilang gagawin ay ang pinaghihinalaang pagpirma umano ni Rizal sa retraction letter upang pumayag ang simbahan na magpakasal siya kay Josephine Bracken. Ang struktura rin ng palabas ay bahagyang naging komplikado sapagkat ito ay sumalungat sa mga nauna ng paraan nang pagkukuwento sa buhay ni Rizal kumpara sa modernong paraan na ginamit sa palabas. Ang paraang ito ay naranasan ng writer-director ng palabas na si Joecas, ito ay tinawag na “Kasaysayan vs. Sining.” At ang buong storya ay nagpatuloy sa mga sumunod na taon ng mga pangunahing taon mula nang sila ay hayskul pa, hanggang sa kanilang pagtanda.
Sa palabas na Joe: A Filipino Rockssical, kakaiba ang nakita kong paraan ng paglalarawan sa katauhan ni Rizal, gayundin kay Josephine Bracken at sa iba pang tauhan. Isang halimbawa ng pag-deconstruct sa pagkatao ni Rizal ay nung sinabing siya ay isang bading. Sa palabas rin na ito, gumawa sila ng isang fictional character na ginamit nila bilang isang katulong ni Rizal sa klinika, at ang pangalan nito ay Crisanto. Ginamit din si Crisanto sa palabas upang i-deconstuct ang pagkatao ni Josephine sapagkat sinabi sa palabas na may namamagitan sa dalawa. Hindi lang ‘yon, ipinakita pa sa palabas na si Josephine at ang kaniyang stepfather ay mayroong incestuous relationship. At ang pinaka-kontrobersiyang isyu na nakita ko sa palabas ay iyong sinabi na si Rizal ay pumirma sa isang retraction letter na humihingi ng aprobasyon sa simbahan upang pakasalan si Josephine.
Ang pag-deconstruct o ginawang paghimay-himay sa pagkatao ng mga pangunahing tauhan sa Joe ay aking ikinagulat. Isang dahilan ay hindi ko lubos maisip na ang ating pambansang bayani ay isang bading. Sa katunayan, unang pagkakataon ko pa lamang makapanood ng isang palabas na sinabing ganito ang pagkatao ni Rizal. Isa ring dahilan ng aking pagkagulat ay ang sabihin sa palabas na si Josephine at ang kaniyang stepfather ay mayroong incestuous relationship; nagulat ako dahil hindi ganoon ang pagkakaalam ko sa pagkatao ng babaeng mahal ng ating pambansang bayani. At ang lalo kong ikinagulat ay noong ipinakita sa palabas na tunay na pinirmahan ni Rizal ang retraction letter upang magpakasal kay Josephine bago siya barilin sa Bagumbayan. Ngunit sinabi rin bandang huli sa palabas na hindi ito totoo. Ang isyung ito rin ay nagdulot sa akin ng pagkalito, kaya naman naghanap ako ng iba pang mga kasagutan sa internet. Marami akong nabasang mga artikulo at research ng ibang tao na nagsasabing tunay na pinirmahan ni Rizal ang retraction letter, ngunit marami rin ang nagsasabing walang sapat na ebidensiya na pinirmahan nga ni Rizal ang retraksyon na ito. Pero mas naniniwala akong hindi ito tunay na pinirmahan ng ating pambansang bayani dahil hindi naging Mrs. Rizal si Josephine Bracken at dahil wala ring sapat na ebidensiya ukol dito.
Sa pagtatapos ng isang rebyu na ito, nais kong purihin ang isang mahusay na palabas na aking napanood. Napakagaling at napakaganda ng pagkakaayos ng struktura nito sa kabuuan. Isa ring makabagong paraan ng paglalarawan at pagsasalaysay sa buhay ni Dr. Jose Rizal ang aking nasaksihan. Makabago sapagkat hindi ito karaniwan at hindi katulad ng ibang paraan na napanood ko na, at ang paraan nga na ito ay ang pag-deconstruct at paghimay-himay sa pagkatao ng mga tauhan na sina Rizal at Bracken. Sa palabas kasing ito, inilabas ang ibang side ng pagkatao ng ating pamabansang bayani, hindi lang yung karaniwan na nating nababasa, naririnig at napapanood. Isa ring magandang paraan ang panonood ng ganitong palabas upang mas marami pa tayong matuklasan at malaman. Napagtanto ko rin sa palabas na ito na mayroon ding malaking ambag ang sining sa ating kasaysayan.

No comments:

Post a Comment